Mga Kwentong Bartero

Hindi lahat ng kwento kwela.
Hindi lahat ng kwento ay totoo.
May kwentong barbero.
May kwentong kutsero.
Pero ang kwento ay kwento.
Ang akin, Bartero.
Basahin mo...
Malay mo...
May kwenta rin pala kwento ko.

Family… Alone.

October 5, 2007

"Paalis na plane namin." 4:30 AM October 5

Ngayon ko lang talaga nasabi 'to: "Na-miss ko rin pala sila."

Buong sem, hindi ako umuwi ng Tugue. Bakit? Kasi malayo ang Tugue at wala rin akong pamasahe pang-uwi. Minsan naisip ko pa ngang sumaydline sa Caltex upang ako'y makauwi lamang sa aming bayan ngunit jowk lang yun. Busy sa school at wala naman akong dahilan para umuwi dun. Sayang pa yung pamasahe ko kung uwian lang naman. Saka pano yun… "D, Ma, dito na ako… Nakakapagod biyahe… Sige, alis na ako, may pasok pa kami sa Monday… Mwah"

Madalas naman magpunta dito sa Manila ang aking butihing ina, halos parang every two weeks ata nandito siya. Siguro mahilig talaga siya magbiyahe ng sampung oras. Siguro gusto niya lang magwaldas ng pamasahe. Minsan nga natanong ko sa kanya: "Ma, hindi ka ba napapagod?"… Sabi niya: "Anya anya (ano, ano)?"… Hindi niya pala narinig yung tanong ko. Hindi ko nalang tinanong ulit kasi napipikon ako pag paulit-ulit yung tanong ko. Naibulong ko na lamang sa kailailaliman ng aking mababaw na puso… Sayang ang eight hundred seventy five, dalawang molecules t-shirt na rin yun… Huhu… 

"Bzzzt… Bzzzt" 6:30 AM October 2

Nagising ako sa aking nababaw na tulog nang marinig ko ang buzzer. Siyet, late na ako!! Ako'y bumaba mula sa kama patungong banyo upang mag-alis ng mga nanunuot na dumi sa aking katawan. At sa aking paglabas mula sa banyo, bumungad sa akin ang dalawang taong mukang pamilyar sa akin… "MAMA!!… PAPA!!!… YOU'RE HERE!!!"… Niyakap ko ko sila at hinalikan at ni-wrestling kaso jowk lang uli yun…. Nag-bless lang talaga ako tapos umakyat kasi late na nga ako. Ni hindi ko nga sila nayakap… kasi nakatapis lamang ang ibabang kalahati ng aking katawan… Tuwalya lamang ang pagitan… Ooops… Baka sabihin pa ng aking ina na lumalaki na ang kanyang bunso… Haha…

Pagdating ko pauwi mula school, sakto pakain na silang lahat… Daming pagkain… Matagal na pala kaming hindi kumakain lahat ng sabay-sabay. Kwentuhan… Tawanan… Tapos biglang tatahimik… tapos may magkwekwento uli… Naalala ko dati, lagi kaming sabay-sabay kumain sa bahay… hanggang nag-college na ate ko. Naalala ko nong 4th year highschool ako, ako nalang noon naiwan sa Tugue, naghihintay ako hanggang 9:30 ng gabi para masabi lang na sabay-sabay kami kumain.

May ulam kaming pugo… Pinagbalatan ako ng nanay ko…

Buong week na ako puyat. Patulog na ako, sabi ni mama: "Mag-aral ka muna… 'Di ba may test ka pa bukas… Mali ang study habits mo anak… Lagi ka nalang tulog ng tulog… 'Di pwede yan pag magmemed ka na…" Yan ang araw-araw kong naririnig dati… Music to my ears. Pero hindi ko na talaga kaya. Nagmakaawa ako kay mama na patulugin naman ako.

"Ring Ring" 5:00 AM October 3

Paggising ko, gising na rin si mama… Tinimplahan niya ako ng Milo… Buong sem, ngayon lang uli ako nag-Milo… Noong highschool ko, araw-araw, walang paltos, bago pa ako magising ready na Milo ko…

Ulam shrimp saka fried chicken… Pinagbalatan uli ako ng nanay ko habang naghu-hum ng Que Sera Sera.

Papasok ako ng school… sabi niya "Goodluck sa school… sabi ko 'ok'"… Hehe…

Pag-uwi ko galing sa school… Dinner… Yehes, balot ang ulam… Nakadalawa ako…

Patulog na ako, sabi ni mama: "Mag-aral ka muna… 'Di ba may test ka pa bukas… Mali ang study habits mo anak… Lagi ka nalang tulog ng tulog… 'Di pwede yan pag magmemed ka na…" Music parin syempre. Lusot pa rin ako… Natulog pa rin… Apat na taon akong ginanyan… Kayang kaya nang lumusot ngayon… Sabi ko: "Ma, magigising ako nang maaga."

"Ngowk" 12:00 midnight between October 3 and 4

Nagising ako… pag bukas ko ng mata ko… Katabi ko na tatay ko… Humihilik na nakaharap sa akin… Haha… Napaisip tuloy ako: "Ganyan kaya ichura ko pagtanda ko?" NR.

"Ring Ring" 3:00 AM October 4

Magrereview na ako… Pulutan balot uli… Haha… Nakadalawa ako… Sarap. nakaka-high… BLOOD…

Gising na gising ako… Totoo atang pampalakas ng tuhod yun… Pero hindi talaga totoong pampalakas ng utak… Haha… Wala ring pumasok sa mga binasa ko…

Bumalik ako sa taas para matulog sana ulit… hala ,inagawan ako ng nanay ko ng pwesto. Ayun, naligo nalang ako… Kumain… Pumasok sa school.

Pagdating ko mula school, kain agad kami… Ako nalang pala hinihintay nila. Usapang antibiotics naman kami dahil nga nakwento ko sa kanila na yun ang lesson namin ngayon. OP si daddy… pero may mga sinasabi din na mga gamot… "Chloramphenicol… Amoxicillin… First generation yun ng Penicillin" ewan ko kung nangbabarbero lang siya o talagang alam niya yun… o binanggit niya lang lahat ng gamot na alam niya… haha… Feeling ko alam ko na kung kanino ako nagmana sa pagiging barbero ko… haha…

Yung kuya ko, nagpaalam… Gagawa daw sila ng ng research nila kaya matutulog sa bahay ng classmate niya…

Habang ako ay nagcocomputer, biglang lumapit sa akin ang tatay ko sabay pisil pisil sa aking pisngi, "Ang taba taba naman na ni Bart…" sabi ni mama, "Oo nga tignan mo may taba na sa may pisngi nya o…" sabi ko,"Parang bata lang a…" Sabi ng kuya ko,"haha…"

Napag-uusapan na rin ang punta nila sa Cagayan de Oro… Wow… Bakasyon pala sila kasama ate ko… Hindi ko alam yun a. haha… Sabi ko sama ako… 'Di nila ako pinansin… haha. 'Di naman ako ingit e… haha… gusto ko lang maexperience magkayak…

Natulog na rin ako after…

"… … … … "3:00 AM October 5

Naalimpungatan ako…

Madilim…

Malamig…

May nagkukumot sa akin…

Multo?

Panaginip lang ata…

" Paalis na plane namin." 4:30 AM October 5

Nagising ako sa text ni mama… Bumaba na ako…

Wala pang pagkain… Wala ring Milo… Wala ring tao…

Ako lang…

AKO LANG…

Posted by mgakwentongbartero at 5:05 am | permalink | comments[5]

Sponsored Links